Isang minuto lang naman ito.
Nais lang namin magpakilala, hmm, hindi pala -- nais namin, sa pinakamadaling paraan, na maiparating sa iyo kung gaano kasaya mabuhay, kung gaano karaming bagay ang mayron ka, ang nangyayari sa iyo, na pinapangarap lamang ng iba. Ang mga susunod mong mababasa ay mga simpleng pangyayari/bagay/tao sa buhay, na kadalasan ay nakakaligtaan na natin, ngunit sa aming paningin, at sana'y sa iyo rin, ay karapat dapat ipagpasalamat, kahit isang minuto lang.
Malayo sa pagiging palasyo ang aming tahanan, malayo sa pagiging hari at reyna ang aking mga magulang, ngunit sa kakaibang paraan ay naranasan ko ang maging isang prinsesa -- busog sa pagmamahal, kailanma’y di nakaranas ng pagkalam ng tiyan, nabigyan ng anumang naisin, kadalasan nga’y labis pa sa kagustuhan ko. Naging napakadali para sa akin ang mamuhay, naging napakaganda ng pagtingin ko sa hinaharap, at naging masayahin at positibo sa lahat ng bagay. Sa sandaling panahon na nabubuhay ako ay nakamit ko na siguro ang lahat – mapagmahal na pamilya, mabubuting kaibigan, not-so-complicated na buhay pag-ibig, de kalidad ng edukasyon, makabuhay-pamilyang trabaho.
Sabihin mo sa akin, sinong hindi magpapasalamat?
***
Kamay ang aking gabay na bumubuo sa aking talento. Guhit ng aking emosyon, pero hindi ko akalain na ito ang susulat ng aking buhay. Tatlong siyudad ang nagpapatunay sa aking pagkatao na sumisimbolo sa mga taong lumaking walang gabay na may pinaniniwalaang pag-asa. Simple lang ang gusto kong iparating, nabuhay akong mag-isa. Maraming pinagkait sa akin pero hindi dahilan para isuko ang magagandang bagay.
Layunin kong ibigay ang araw-araw na kulay ng buhay na makikita sa aking mga nadadaanan, nakakasalamuha, napupuna sa opisina man o kahit saan. Mahirap maging “independent” sabi nga nila, at ang sabi ng iba masaya dahil nagagawa mo ang lahat. Parehong tama at hindi lahat meron pagkakataon na ganito. Ang mga katulad namin ay maraming iniisip na madalas hindi na nabibigyan pansin ang mga maliliit na bagay na masarap pasalamatan. Hindi ang mundo ko ang nais kong ibahagi, kundi ang paraan ng pagkatao kong makita ang mundo nating lahat.
***
Ang pagkakaroon ng emosyon ay hindi isang bagay na pinagdedesisyunan. Ito'y parte ng isang sirkulasyon kung saan ang bawat estado ay mahalaga. Malungkot, masaya, in-lab, galit at sawi. Lahat ay mahalaga. Lahat ay nagbabago. At sa bawat pagkakataon ay may dahilan para magpasalamat.
Yan ang gusto kong ibahagi sa blog na ito. Na ang lahat ay mahalaga, na lahat ay may dahilan. At mahalaga na ikaw ay marunong magpasalamat sa kung anog meron ka.
Salamat sa pagbasa. Kita tayo ulit.
1 comments:
i love it! hahaha...wuu! excited much.. ganda! haha
Post a Comment