Sa araw-araw ako’y gigising, babangon at mabibingi sa pag-iisa. Bababa sa hagdan, maglalakad at maghahanap ng makakainan. “Ate isa nga pong Tapsilog, scrambled, takeout.” Bubuksan, titignan, at uuwi na para kumain. Pauli-ulit hanggang sa ikaw ay makilala.
Kinabukasan didilat ang mata, nagugutom at babalik. “Ate order ko po Tocilog.” Iaabot ang aking ulam na naka-styro at titignan: ‘Aba, alam na ni ate na scrambled egg ang gusto ko.’ Hindi ko sila kilala sa pangalan, at hindi rin nila alam ang pangalan ko. Ang alam ko lang, customer ako at sila ang taga-kuha ng order ko.
Pero iba ang nangyari ng minsan ako ay napadaan sa kanto para mamasyal, ordinaryong araw na wala akong inaasahan. Magkakasama sila at nagkukumpulan sa sulok. Dumaan ako ng nagtetext nang hindi ko inaasahan,
“Sir, good morning! Kain po tayo!”
Lahat sila bumati sa akin ng maaliwas, lahat naka-ngiti na pinaramdam nilang iba ang araw na iyon. Simple man ang buhay nila na may marangal na trabaho, sila ang mga taong hindi mo inaasahang magpapaalala sa’yo na ang simpleng mga bagay ay pinasasalamatan. At karapat dapat silang bigyan ng isang malaking pasasalamat sa magandang pakikisalamuha. Ang pagbating iyon ay ang “Kaway” ng Buhay. Salamat mga kaibigan.
0 comments:
Post a Comment